4 tiklo sa drug bust

MANILA, Philippines - Apat-katao na sinasabing miyembro ng sindikato ng bawal na droga ang nasakote sa isinagawang drug bust operation ng pulisya sa Barangay Punturin, Valenzuela City kamakalawa ng gabi.

Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Christopher  “Kit/Toper” Briones, Alvin Elorpe, Mark Deo Panoncio, at si Sharvin Felecierta, mga nakatira sa nasabing barangay.

Sa police report na isinumite kay P/Senior Supt. Rhoderick Armamento, isinagawa ang drug bust operation sa #6 Kabesang Porong Street makaraang matukoy ang iligal na operasyon ng sindikato.

Hindi na nakapalag ang mga suspek nang mapalibutan ng mga pulis ang bahay na ginagamit na drug den.  

Nasamsam sa mga suspek ang tatlong pakete na naglalaman ng shabu, mga drug paraphernalia, at isang cal .38 revolver na may 10 bala.

Isinasailalim sa tactical interogasyon ang mga suspek upang mabatid ang pinagmumulan ng iligal na droga sa nasabing lungsod.

Show comments