MANILA, Philippines - Misteryoso o palaisipan ngayon sa mga awtoridad ang pagpatay sa 33-anyos na tinyente ng Marine matapos itong barilin sa loob ng kanyang sasakyan sa parking lot ng naval station sa Fort Bonifacio, Taguig City noong Miyerkules ng umaga (Nob. 26)
Sa pahayag ni Lt. Commander Marineth Domingo, spokesman ng Philippine Navy, patuloy ang imbestigasyon sa pamamaslang sa biktimang si 1Lt Shelina Calumay.
Kasabay nito, bumuo na kahapon ng Board of Investigators ang Philippine Navy upang imbestigahan ang pagpatay kay Calumay na may tama ng bala sa mukha ay natagpuan sa loob ng nakaparada nitong sasakyan sa harapan ng Jurado Hall ng Naval Station Jose Francisco dakong alas-6 ng umaga.
Kaagad kinordon ng Philippine Navy ang crime scene habang nagsagawa rin ng imbestigasyon ang Scene of the Crime Operatives team ng Southern Police District.
Nabatid na si Calumay na tubong Batac, Ilocos Norte ay miyembro ng Naval Officers Candidate Course Class 13 at nakatalaga sa tanggapan ng Naval Inspector General.
“Initial result of the investigation disclosed that she sustained a gunshot wound infront of her face,” anang opisyal kung saan nagsagawa na rin ng paraffin test sa bangkay ng biktima.
Samantala, nawawala rin ang mga personal na kagamitan ng biktima tulad ng wallet at cellphone kung saan wala ring armas na nakita sa crime scene at isa ring butas na dinaanan ng bala ang nakita sa kaliwang bintana ng sasakyan.
“The investigation is still ongoing. Close coordination is being done by the Navy and PNP. The Naval Provost Marshall will have a parallel investigation to complement the efforts of the Philippine National Police. This is in line with the Navy’s support for the speedy resolution of the case,” dagdag pa ni Domingo.
Nagpaabot na ng pakikiramay ang Philippine Navy sa naulilang asawa na si Sgt. Jeremy Calumay at iba pang miyembro ng kanilang pamilya.
Kabilang naman sa iniimbestigahan ng Naval Provost Marshall ay ang misteryong pagkawala ng P10 milyon sa manager’s vault ng AFP Commissary Service (AFPCES) Branch sa Naval Station sa Fort Bonifacio noong Linggo (Nob.16) na nadiskubre dalawang araw matapos ang krimen.