MANILA, Philippines - Apat katao ang natimbog ng mga operatiba ng Manila Police District sa isinagawang buy-bust operation, sa Sta. Ana, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Chief Insp. Glenn Gonzales, hepe ng District Anti-Illegal Drugs ang mga suspek na sina Robert Crisini, 57, ng Suter St, Sta. Ana, Maynila; Allan Biasa 45, ng 1910 Campillo St., Paco; Pia Cunanan, 43, ng Mataas na Lupa St., Paco at ang isang Mhiann San Miguel, 21, dalaga ng Gonzales St., San Andres, Manila.
Nasamsam sa mga suspek ang may tinatayang 500 gramong hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu at isang malaking bag na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Dakong alas-4:30 ng hapon nang maganap ang operasyon kung saan nagpanggap na buyer ng shabu si SPO1 Marian Esmas, isa sa operatiba at naganap ang buy bust sa panulukan ng New Panaderos at A. Bautista Sts., sa Sta. Ana.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 laban sa mga naaresto.