Lider ng gun-for-hire gang, arestado

MANILA, Philippines – Naaresto ng mga awtoridad ang notoryus na lider ng gun-for-hire gang na sangkot sa pagbebenta ng droga sa isinagawang operasyon sa lungsod ng Caloocan, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni PNP-Cri­minal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG)­ Spokesperson Chief Supt. Elizabeth Jasmin ang nasakoteng suspect na si  Israel Nicolas.

Bandang alas-4 ng hapon, nang madakip ng pinagsanib na elemento ng National Capital Region Criminal Investigation and Detection Unit-Criminal Investigation and Detection Group (NCRCIDU-CIDG) ope­ratives sa ilalim ng super­bisyon ni Supt. Danilo Macerin at Caloocan City Police  ang suspect.

Bago ang operasyon, sinabi ni Jasmin na nakatanggap sila ng impormasyon sa presensya ng wanted na si Dimalanta na armadong gumagala at nanggugulo sa Brgy. Maypajo, Caloocan City.

Agad namang nagres­ponde ang mga opera­tiba pero ng matugunan ito ng suspect ay mabilis itong nagtatakbo na humantong sa ilang minutong habulan.

Nasukol ang suspect na hindi na nakapalag matapos na posasan ng arresting team.

Nasamsam mula sa pag-iingat nito ang isang cal. 45 pistol na puno ng mga bala, isang granada at tatlong sachet ng shabu.

Kasalukuyan na nga­yong humihimas ng rehas na bakal ang suspect na nahaharap sa kasong illegal­ possession of fire­arm and ammunition, pag­labag sa Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal­ possession of explosives.

Show comments