MANILA, Philippines - Patay ang dalawang karpintero, habang isa pang kasamahan nila ang sugatan makaraang mabagsakan ng nagibang sementadong monoblock buhat sa ginagawang hagdanan sa ika-14 na palapag ng isang gusali sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Reynaldo Talento, 50, ng Taytay Rizal; at Arsie Pelong, 38, ng Cabilang Baybay, Carmona, Cavite.
Sugatan naman si Peter Gemao, 39, ng Mandaluyong City na nakaratay ngayon sa ospital.
Ayon kay SPO1 Joselito Gagaza, nangyari ang insidente sa may One Eastwood Tower 1 na matatagpuan sa Eastwood City, Brgy. Bagumbayan, ganap na alas-4 ng hapon.
Base sa pahayag ng testigong si Jimmy Estrabella, at dalawa pang kasamahan ng mga ito, nasa ika-14 na palapag sila ng gusali at busy sa pagsisemento ng hagdanan gamit ang chain monoblock nang bigla itong magiba.
Ang resulta, ang mga biktimang sina Talento at Pelong na noon ay nasa ika-12 na palapag ng gusali ay pawang tinamaan ng bumagsak na pre-cast na hagdan.
Samantala, ang biktimang si Gemao na nasa ground floor naman ay tinamaan ng bumagsak na debris sa kaliwang mukha.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.