Trader utas sa tama ng bala

MANILA, Philippines - Isang negosyante na may tama ng bala sa dibdib ang natagpuang patay sa loob ng minamaneho nitong van ilang segundo matapos na sumalpok ito sa isang puno sa Belfast Avenue, lungsod Quezon, kamakalawa.

Ayon kay PO2 Anthony Tejerero, ang biktima ay nakilalang si Roberto Antonio G. Arciga Jr., ng Cape Town, Vista Real Classica sa lungsod

Sabi ni Tejerero, alas-10:15 ng gabi nang madiskubre ang biktima sa may sidewalk sa kahabaan ng Belfast Avenue, Brgy. Lagro sa lungsod.

Ayon sa parking boy na si Mark Bobet Pader, nakatayo siya sa lugar nang mapuna niya ang isang kulay puting L300 van (UNQ-983) na bu­mangga sa isang puno at nakabukas ang headlight.

Nang kanyang tignan ay saka niya natuklasan ang biktima habang nakaupo sa driver’s seat ng van at duguan.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ay saka lamang na­tuklasan na ang biktima ay may tama ng bala sa kanyang kaliwang dibdib.

Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.

 

Show comments