MANILA, Philippines – Patay ang isang pulis makaraang mabundol habang lulan ng kanyang motorsiklo at masagasaan pa ng isang truck sa kahabaan ng Congressional Avenue, lungsod Quezon kamakalawa ng gabi
Sa ulat ni SPO1 Laurente Teano ng Quezon City Police Traffic Sector 6, ang biktima ay nakilalang si PO3 Juanito Luardo, nakatalaga sa District Headquarters Support Unit ng Camp Crame at residente sa may Phase 4, Package 1, Block 4, Exist Lot, Bagong Silang,Caloocan City.
Tumakas naman ang driver dala ang minamanehong Mitsubishi Fuso truck (RBR-365) at nakarehistro sa Chuabenco Resources Inc. na matatagpuan sa Beata St., Pandacan, Manila. Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Congressional Avenue malapit sa harap ng Violago Homes sa Phase 1, Brgy. Pasong Tamo, Quezon City ganap na alas-9:20 ng gabi
Sa inisyal na imbestigasyon, kapwa binabaybay ng biktima na sakay ng kanyang Kawasaki Barako motorcycle (6142-UU) at truck ng suspek ang Congressional Avenue, galing sa direksyon ng Visayas Avenue, patungong Tandang Sora Avenue nang pagsapit sa nasabing lugar ay mahagip ng huli ang sasakyan ng una.
Tumilapon sa kalye ang biktima hanggang sa masagasaan ito ng kanang gulong sa unahan ng truck na minamaneho ng suspect, sanhi ng agarang kamatayan ng biktima. Gayunman, sa halip na tulungan ng suspect ang biktima ay nagtatakbo ito patungong Visayas Avenue at hindi na nagpakita.