MANILA, Philippines – Pormal nang sinampahan ng kaso ang lalaking umano’y dumukot at nang-molestiya sa isang 14-anyos na dalagita sa Makati City. Ayon kay Chief Supt. Henry Ranola Jr., Officer-In-Charge (OIC) ng Southern Police District (SPD) ang suspek na si Jarin Hidalgo, 34, nakatira sa M. H. Del Pilar St., Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City ay sinampahan na nila ng kasong Forcible Abduction and Acts of Lasciviousness in relation to violation of Republic Act 7610 sa Makati City Prosecutor’s Office.
Ito ay bunsod sa reklamo ng ina ng 14-anyos na dalagitang biktima, grade 9 student na sapilitang dinala ng suspect saka minolestiya sa loob ng isang sasakyan kamakailan. Si Hidalgo ay nadakip sa isang follow-up operation nang pinagsanib na puwersa ng Makati City Police at SPD kamakailan.
Base sa imbestigasyon nang binuong Special Investigation Task Group ng SPD, dinukot umano ni Hidalgo ang naturang biktima noong unang linggo ng buwan ng Nobyembre ng taong kasalukuyan malapit sa paaralan nito sa P. Burgos St., Brgy. Poblacion ng naturang siyudad.
Samantala, hindi naman naiugnay si Hidalgo sa naganap na pagdukot at panghahalay sa isang 21-anyos na estudyante noong Setyembre 30, 2014 sa Magallanes Interchange, Makati City dahil hindi naman namukhaan ng biktima ang mga suspek. Gayundin ang 19-anyos na transgender, na dinukot, hinalay at pinagnakawan ng grupo ng mga kalalakihan noong Setyembre 2013.