Anak na pumatay sa ama, tugis

MANILA, Philippines – Patuloy ang pagtugis ng otoridad sa isang 23-anyos na lalaki na sumaksak at nakapatay sa kanyang sariling ama dahil sa galit ng una nang hampasin siya ng huli sa ulo matapos magtalo dahil sa panenermon ng matanda sa lungsod Quezon nitong Biyernes ng gabi.

Ayon kay PO2 Louie Serbito, patuloy na nagtatago sa batas ang suspect na si Alfredo Reyes III, isang araw matapos mapatay nito ang kanyang tatay na si Alfredo Reyes Jr., 52,  sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Commonwealth.

Base sa pagsisiyasat, nangyari ang insidente sa loob ng kanilang bahay sa no. 9978 Kasunduan St., ng naturang Bgy., ganap na alas-7 ng gabi.

Ayon sa isa pang anak ng biktima na si Ace, kakain na sila ng hapunan ng  kanyang tatay nang dumating ang kapa­tid niyang suspect at kumain.

Dahil nakainom ang biktima nagalit ito sa suspect at nasa­bihang batugan na ikinagalit ng huli at nagbunot ng patalim saka itinutok sa kanyang tatay, bago nagpasyang umalis ng kanilang bahay.

Subalit ilang minuto, bumalik ang suspect na sinalubong naman ng  palo ng kahoy ng kanyang tatay ng dalawang beses sa ulo.

Sa puntong ito, galit na pinagsasaksak ng suspect ang kanyang tatay sa kaliwang tagiliran saka mabilis na tumakas.

Ang sugatang biktima naman ay nagawa pang maisugod ng kanyang kaanak sa East Avenue Medical Center pero idineklara ding patay ganap na alas-2:30 ng hapon habang nilalapatan ng lunas.

Show comments