Pulis nagmamando ng trapik, itinumba

Sinusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang duguang katawan ni PO3 Ronald Flores ma­tapos itong pagbabarilin ng di-kilalang lalaki na naka­motorsiklo habang ito ay nagmamando ng trapik sa panu­lukan ng Legarda St. at C.M. Recto sa Quiapo kamakalawa ng gabi. (Kuha ni Bening Batuigas)

MANILA, Philippines - Napatay ang 46-anyos na pulis-Maynila na nagmamando ng trapiko matapos itong pagbabarilin ng di-kilalang lalaki na lulan ng motorsiklo sa Legarda Street, Quiapo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Tatlong bala ng baril ang tumapos sa buhay ni PO3 Ronald Flores, may-asawa, ng Herbosa St.,Tondo at nakatalaga sa Manila Police District-Traffic Enforcement Unit sa Port Area, Manila.

Hindi na narekober ang service firearm ng biktima subalit ang extra magazine ng mga bala ay sinasabing kinuha ng hepe ng biktima. Sa crime scene.

“Dapat nun ‘yung magazine ay itinurn-over sa amin,” ani SPO2 Jonathan Bautista na kahapon ng hapon lamang niya nalaman sa mga nakasaksi na ang magazine ng bala ay nasa custody ng isang captain na hepe ng biktima gayung SOP naman umano na dapat ay ipahahawak sa imbestigador.

Sa ulat ni SPO2 Bautista kay P/Insp. Steve Casimiro, hepe ng MPD-Homicide  Section, naganap ang krimen sa  pagitan ng alas-7 hanggang 7:45 ng gabi sa southbound lane ng Legarda St., malapit sa panulukan ng C.M. Recto Avenue sa Quiapo.

Nabatid na abala ang biktima at ilang kasamang enforcer sa pagmamando ng trapik sa pagdaan ni Mayor Estrada  nang biglang ang sunud-sunod na putok ng baril.

Patalikod na binaril ang biktima na humarap pa sa gunman kahit may tama na sa braso kaya pinutukan uli sa dibdib kung saan duguang bumagsak saka muling  pinutukan sa sentido.

Naiwan ang motorsiklo ng biktima sa gilid ng kal­sada habang patuloy naman ang imbestigasyon.

 

Show comments