MANILA, Philippines - Inalerto na ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) director Carmelo Valmoria ang buong pwersa ng kapulisan sa Metro Manila dahil nagsisimula nang dumugin ng mga mamimili ang mga shopping mall partikular ang area ng Divisoria sa Maynila para sa nalalapit na Kapaskuhan.
Inatasan ni Valmoria ang Manila Police District (MPD) na magpatupad ng mahigpit na seguridad at mahigpit na tutukan ang area ng Divisoria upang sugpuin ang mga insidente ng nakawan tulad ng snatching, pandurukot, hold-up at iba pang petty crimes.
Ang direktiba ni Valmoria ay dahil na rin sa mga report na maging ang mga tao mula sa mga probinsiya ay dumadagsa na sa Divisoria para mamili.
Iniutos din ng naturang opisyal na paigtingin ang intelligence para sa pangangalap ng impormasyon laban sa mga kriminal at kawatan na mananamantala ngayong holiday seasons.
Muling nanawagan ang pulisya sa mga mamimili na huwag maging matigas ang ulo at huwag silang magsusuot ng mga alahas at huwag magdadala ng mga bagay na nakaka-attract sa mga kawatang gumagala sa naturang lugar.