MANILA, Philippines – Dalawang most wanted persons na sangkot sa serye ng robbery holdup sa lungsod Quezon ang nalambat ng mga operatiba sa magkahiwalay na operasyon, ayon sa ulat kahapon. Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Police Senior Supt. Joel Pagdilao, ang mga nadakip na suspect na sina Emmanuel Armas, 32, tattoo artist at Gerald Capili, 21. Ayon kay Pagdilao, si Armas na No.1 Most Wanted ng Talipapa Police Station (PS-3) at No. 9 sa buong QCPD, ay nadakip ng pinagsanib na tropa ng District Intelligence Division at CIDG sa ganap na alas-2:55 ng hapon sa kanyang bahay sa bisa ng isang Warrant of Arrest na inisyu ni Judge Alfonso Ruiz para sa kasong robbery with homicide. Si Armas ay itinuturong responsable sa serye ng robbery holdup na nambibiktima ng salon at spa sa Brgy. Talipapa at Pasong Tamo sa Quezon City. Habang si Capili, na No. 8 most wanted ng Novaliches Police Station (PS-4) ay nadakip ng isang tracker team ng PS-4 ganap na alas-4:45 ng hapon sa Brgy. San Agustin, Novaliches, Quezon City.