MANILA, Philippines – Isang 14-anyos na estudyante ang nasa malubha ngayong kalagayan matapos na saksakin ng isang grupo rin ng mga kabataan sa Marikina City, kamakalawa ng hapon.
Ang biktimang di na pinangalanan dahil sa pagiging menor de edad nito ay grade 8 student ng Sta. Elena High School ay isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMCC) bunsod nang tinamong mga saksak sa kanyang likod.
Hindi pa rin naman kilala ang mga suspek na sinasabing mga kabataan din na ngayon ay pinaghahanap na ng mga awtoridad. Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), nabatid na dakong alas-2:00 ng hapon nang maganap ang krimen sa harap ng nabanggit na paaralan na matatagpuan sa Barangay Sta. Elena, sa lungsod.
Naglalakad umano ang biktima at mga kaklase nito nang atakehin sila ng isang grupo ng mga suspek sa hindi pa batid na kadahilanan. Lumaban umano ang biktima sa mga suspek habang nakatakbo naman ang kanyang mga kasamahan, kaya siya lamang ang pinagsasaksak.
Nang duguang bumagsak sa semento ang biktima ay kaagad nang nagpulasan ang mga suspek sa iba’t ibang direksyon tangay ang patalim na ginamit sa krimen.
Humingi naman ng tulong ang mga kaklase ng biktima upang maisugod siya sa pagamutan ng malapatan ng kaukulang lunas.