MANILA, Philippines - Patay ang lider ng isang carnapping group makaraang tambangan ng mga hindi pa nakikilalang salarin matapos na dumalo sa pagdinig ng kaso sa Valenzuela City Regional Trial Court, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Valenzuela City Police chief, Senior Supt. Rhoderick Armamento ang nasawi na si Jommel Salvatiera, lider ng ‘Salvatiera Carnapping Group’.
Sa ulat, naganap ang krimen dakong alas-10:30 ng umaga sa tapat ng Tiera Santa Memorial Park sa may Maysan Road, Brgy. Maysan, sa naturang lungsod.
Nabatid na kagagaling lamang ng biktima sa pagdinig sa kinakaharap na kaso sa Valenzuela RTC Branch 75 na pansamantala siyang nakalalaya dahil sa piyansa. Lulan ang biktima ng minamanehong Toyota Innova nang paulanan ng bala ng dalawang lalaki lulan ng motorsiklo.
Isinugod pa sa Valenzuela City General Hospital ang biktima ngunit hindi na ito umabot ng buhay dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa rekord, sangkot ang grupo ni Salvatiera sa serye ng carnapping sa Metro Manila partikular sa Caloocan, Valenzuela at Quezon City.
Sa teorya ng pulisya, posibleng kalabang sindikato ang nasa likod ng naturang pananambang. Lumalabas na isa itong dating malaking grupo ang pinangungunahan ni Salvatiera at nahati sa dalawa nang may humiwalay. Posible umano na agawan sa teritoryo ang ugat sa pamamaslang.