MANILA, Philippines - Siyam ang sugatan kabilang ang mga menor-de-edad na estudyante kasama ang anak ng aktor na si Dennis Trillo makaraang magsalpukan ang dalawang school service na kanilang sinasakyan sa isang intersection sa Brgy. Lourdes, lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat ni PO3 Jonathan Jimenez, imbestigador ng QC Traffic Sector 1, anim sa mga sugatan ay nakilalang sina Jervin Tolentino, 12; Calix Andreas, 7, anak nina Dennis Trillo at Carlene Aguilar; Angelo Xeu, 7; Jahai Sarmiento, 9; Kevin Viray Papa, 15; Marvela Viray Papa; at Jerrilito Papa, 45, driver ng isang school service.
Sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang insidente sa may bahagi ng Speaker Perez at N. Roxas St., Brgy. Lourdes, ganap na alas-5:45 ng umaga.
Diumano, minamaneho ni Papa ang Mitsubishi Canter ang service vehicle ng Malayan High School of Science-Pandacan, Maynila (TXF-527) at tinatahak ang M.Roxas galing Mayon patungong P. Tuazon nang pagsapit sa naturang lugar ay makasalpukan nito ang KIA van ang school service ng Xavier school (TWT 945) na minamaneho naman ni Razmur Padios, 24, na tinatahak ang Speaker Perez patungong Banawe.
Dahil sa tindi ng pagkakabangga, nayupi ang unahang bahagi at gilid ng Xavier school service habang natupi naman ang unahang bahagi ng Malayan school service.
Ang naturang impact ang dahilan upang magkalabugan sa loob ng dalawang sasakyan ang mga estudyante na ikinasugat ng mga ito. Agad din silang itinakbo sa malapit na ospital para malapatan ng lunas.
Inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in damage to property at multiple physical injuries laban sa dalawang driver na kapwa pananagutan sa nasabing insidente, habang patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad.