MANILA, Philippines – Patay ang isang ex-convict matapos itong pagbabarilin ng riding-in-tandem, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Vincent Carriaga, 40, biyudo, ng Propetarios St., Cartimar ng naturang lungsod sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng kalibre .45 baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya hinggil sa insidente at inaalam pa ang pagkakakilanlan sa mga suspek.
Sa natanggap na report ni Senior Supt. Melchor Reyes, hepe ng Pasay City Police, naganap ang insidente alas-6:50 ng gabi sa north-bound lane, Service Road ng Roxas Boulevard ng naturang lungsod habang ang biktima ay nakatayo sa naturang lugar nang biglang sumulpot ang isang motorsiklo na hindi naplakahan lulan ang mga suspect. Isa rito ang bumunot ng baril at pinaulanan ng bala si Carriaga na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek. Base sa nakalap na impormasyon ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Pasay City Police nabatid na ang nasawing biktima ay nakulong sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City dahil sa mga kaso nitong robbery at frustrated murder noong 2010.
Nakalaya lamang ang biktima dahil sa ibinigay na parole dito ng Department Of Justice (DOJ).
Inaalam ng pulisya kung may kinalaman sa mga naging kaso at pagkakulong nito ang naganap na pamamaslang.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang naturang insidente.