Ambush sa Tondo: 3 dedo

MANILA, Philippines – Isang dating barangay chairman at isang mag-ama ang pawang nasawi sa ambush na naganap kahapon ng hapon sa Tondo.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng krimen ang  pakay ng ambus  na kinilalang si Ely Saluib, 65, negosyante at residente ng  Area D, Gate 12, Parola, Compound, Tondo, Maynila. Nagtamo ito ng maraming tama ng bala ng baril sa ulo at katawan.

Dead-on-arrival naman sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang  tricycle driver na si Engie Surigao, 39,  ng  Area C, Gate 21, Parola, Binondo, Maynila, dahil sa tinamong tama ng bala sa baba, namatay naman habang ginagamot din sa nasabing pagamutan ang anak nito, na si Akisha Surigao, 9, elementary pupil­ dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo.

Sa ulat nina SPO2  Rommel del Rosario at PO1 Richard Limuco kay Manila Police District-Homicide Section chief,  P/Insp.  Steve­ Casimiro, nasa pagitan ng alas-12:00 hanggang alas-12:30 ng tanghali naganap ang insidente.

Nakita na lamang na hinahabol ng 2 suspek ang biktimang si Saluib na nakasakay ng motorsiklo at naabutan ito kaya pinagbabaril sa gitna ng init ng araw at maraming  tao.

Nagkataong ibinababa naman ni Engie mula sa ipinapasadang tricycle ang anak na si Akisha, na sinundo mula sa eskwelahan nang umulan ng bala at minalas silang tinamaan.

Wala pang makuhang motibo sa krimen.

Inaalam kung may kaugnayan sa negosyo ang pamamaslang dahil ang ex-chairman ay nagba-buy and sell ng buhay na baboy na ibinabagsak naman sa mga puwesto sa palengke.

Show comments