MANILA, Philippines – Balik na sa normal ang kalakaran sa buong Quezon City, partikular sa mga bus terminals, kalsada at iba pang malalaking gusali dito.
Ito ang sinabi ni Sr. Insp. Maricar Taqueban, tagapagsalita ng QC Police District Office, matapos ang dalawang araw na paggunita sa Undas.
Ayon kay Taqueban, simula kahapon ay wala namang napaulat na estranded sa mga bus terminal sa Cubao. Wala na rin anyang trapik sa lansangan dahil madalang na ang mga sasakyang nagdaraan.
Maging ang kahabaan ng Quirino Highway patungong Eternal Gardens ay maayos ang takbo ng mga sasakyan.
Sa kabuuan, itinuring nila itong generally peaceful at malaking tagumpay ang ginawa nilang pagpapatud ng seguridad sa buong lungsod.
Samantala, ipinahayag din ni PNP spokesman Police Senior Supt. Wilben Mayor na walang napa-ulat na insidente sa taunang paggunita ng Araw ng Undas.
Gayunman, dagdag ni Mayor, patuloy ang kanilang pagpapanatili sa seguridad sa buong sementeryo sa bansa.