Lolo, lola tinarakan ng kaanak

MANILA, Philippines - Inoobserbahan ngayon sa pagamutan ang mag-asawang lolo at lola makaraang pagsasaksakin ng kanilang kaanak sa loob ng kanilang bahay, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.  Isinugod sa Tala Hospital ang mga biktimang sina Carlos Alipin, 69 at Elena Dein, 64, kapwa residente ng Bo. Concepcion, Brgy.  188 Tala, ng naturang lungsod.   Nadakip naman ng mga awtoridad sa follow-up operation ang suspek na si Ben Bartulata, 35, residente rin ng naturang lugar. Nabatid na kaanak ng mga biktima ang suspek at naninirahan sa iisang bahay. Sa inisyal na ulat, lasing na umuwi ng bahay ang suspek dakong alas-10:30 ng gabi at kinompronta ang mag-asawang matanda sa hindi pa mabatid na dahilan.  Uminit ang pagtatalo hanggang sa pagsasaksakin ng suspek ang mga biktima.  Nagtangka pa umanong tumakas ang suspek ngunit naabutan at nadakip ng mga barangay tanod sa lugar.

Show comments