MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte at QCPD director, Senior Superintendent Joel Pagdilao ang re-activation ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (SAID-SOTG) sa 12 police stations sa lungsod bilang bahagi ng pinalakas na kampanya laban sa ilegal na droga.
Si Vice Mayor Belmonte ay siya ding chairperson ng Quezon City Anti-Drug Abuse Advisory Council (QCDAAC).
Ang pagbuhay sa SAID-SOTG ay isinagawa sa isang simpleng seremonya kahapon sa Camp Karingal.
Sinabi naman ni Pagdilao na ang reactivation ng SAID-SOTG ay isinagawa bilang tugon na rin sa mga ginawang konsultasyon na pinangasiwaan ng QCDAAC at mga opisyal ng mga barangay sa QC.
Ang SAID-SOTG ay inalis ng dating QCPD director Richard Albano.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Vice Mayor Belmonte na kakausapin niya ang private sector upang bigyan ng parangal at incentives ang mga outstanding SAID stations na magiging daan sa pagiging drug free ng lungsod.
Iniulat din niya na nakipagkasundo din siya sa private drug testing firm para ito ang gumawa ng pagda-drug test sa mga barangay officials para matiyak na hindi gumagamit ng illegal drugs ang mga tagapamahala ng mga barangay sa lungsod. Kahapon din ay nagsagawa ng on-the-spot drug test ang may 100 SAID officers and members ng QCPD.