MANILA, Philippines - Hinoldap ng tatlong kawatan na lalaki ang mga pasahero ng bus habang bumibiyahe sa Mandaluyong City kamakalawa ng umaga.
Batay sa ulat ng Eastern Police District (EPD), dakong alas-11:15 ng umaga nang holdapin ng mga suspek ang Malanday Metrolink passenger bus na may plakang UYE-421.
Sa salaysay sa pulisya ni Merlan Empon, driver ng bus, sumakay ang mga suspek sa bahagi ng Guadalupe, Makati at pagsapit ng Boni Ave., Bgy. Barangka Ibaba, Mandaluyong City ay naglabas ng mga patalim ang mga suspek at nagdeklara ng holdap.
Sapilitang kinuha ng mga ito ang mga cellphones, cash at iba pang mahahalagang gamit ng mga pasaherong sina Jaymark Colarina, Al Eurose Manlusoc, at Mark Anthony Orsenado, gayundin ng bus driver at konduktor na si Rosel Ambas.
Matapos ang panghoholdap ay mabilis na tumakas ang mga suspek habang nagtungo ang mga biktima sa himpilan ng pulisya para magreklamo.