MANILA, Philippines - Nadakip ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang notoryus na riding criminals matapos na holdapin ang isang Indian national sa lungsod Quezon, kamakalawa. Kinilala ni QCPD director Senior Supt. Joel Pagdilao ang mga suspek na sina Mark Joseph Ebona, alyas Macmac, 27, at Cristituto Cabungan, alyas Amang, 37, pawang mga residente ng Road 12, Old Samson Road, Brgy. Apolonio Samson, sa lungsod. Ayon kay Pagdilao, ang mga suspek ay nadakip ng tropa ni Supt. Dionisio Bartolome habang itinatakas ang koleksyon ng isang Indian national na halagang P700 sakay ng isang Suzuki Skydrive motorcycle sa may kahabaan ng Del Monte Avenue. Narekober sa mga suspek ang isang kalibre 38 revolver, isang granada, isang sachet ng shabu at pera ng Indian national. Sa pagsisiyasat, lumitaw na ang suspek ay responsable sa apat na insidente ng robbery hold-up sa lungsod nitong Oktubre matapos na kilalanin sila ng kanilang mga nabiktima. Partikular dito ang panghoholdap sa isang convenience store sa Sto. Domingo St., corner NS Amoranto na natangayan nila ng P10,000; jewelry store sa Banawe na nakuhanan nila ng P150,000. Bukod pa rito ang magkahiwalay na panghoholdap sa isang biktima sa Biak-na-Bato St., Brgy. Siena, noong October 11, at October 20, 2014.