MANILA, Philippines - Arestado ang apat na big time drug pushers matapos makumpiskahan ang mga ito ng apat na kilong shabu na nagkakahalaga ng P12 milyon sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Taguig City Police at Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF), kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.
Kinilala ang mga suspek na sina Larex Pepino, tumatayong lider; Jayborn Ruira; Jahar Radin at Nelson Conarco, pawang mga naninirahan sa Bayani Road, Brgy. Western Bicutan ng nasabing lungsod.
Sasampahan ang mga ito ng kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 o dangerous drugs law sa Taguig City Prosecutor’s Office.
Base sa report ni Inspector Michael Salmingo ng PNP- AIDSOTF, ala-1:00 ng madaling-araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Taguig City Police at PNP- AIDSOTF sa Bayani Road ng nasabing barangay.
Isang pulis ang nagpanggap na bibili ng 400 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P500,000.
Sakay ng Nissan Almera, dumating ang mga suspek sa lugar kung saan nang magsimulang magpalitan ng items ang mga ito ay saka sila dinamba ng mga nakapalibot na awtoridad.
Bukod sa 400 gramo ng shabu, nadiskubre rin sa loob ng sasakyan ang siyam na plastic bag ng ilegal na droga na nakalagay sa cooler.
Sabi ng aworidad, sa dami ng nakuhang droga, posible umanong parte ng mas malaki pang sindikato ang nasakoteng grupo.