Kelot binugbog na, ninakawan pa ng tarantula

MANILA, Philippines - Lamog  ang katawan ng isang lalaki makaraang pagtulu­ngang gulpihin ng anim na kalalakihan sanhi upang matangay sa biktima ang alaga niyang tarantula na nagkakahalaga ng P4,000, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City. Sa kabila ng kanyang mga pinsala, nagawang makahingi ng saklolo sa pulisya ang biktimang si Perrnis Landero,  ng naturang lungsod. Naaresto naman ng Caloocan Police Community Precinct 5 ang isa sa suspek na si Danilo Cruz. Sa salaysay ng biktima, nakipagtransaksyon siya sa pamamagitan ng text messages sa isang nagpakilalang Abagail Pillerda dakong alas-2:30 kamakalawa ng hapon at nagkasundo sa pagbili ng suspek sa alagang tarantula ng biktima sa halagang P4,000. Nagkasundo ang mga ito na magkikita sa isang convenience store sa may Zabarte Road, sa naturang lungsod at habang nakatayo si Landero sa tapat ng convenience store,  isang lalaki ang lumapit sa kanya at nagpakilalang si Abagail. Nang iabot ng biktima ang tarantula, bigla na lamang umano siyang sinapak sa mukha ng suspek.  Doon narin sumulpot ang lima pang lalaki at pinagtulungan na siyang gulpihin habang matagumpay na naitakas ang kanyang exotic na alagang tarantula. Nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya na nag­resulta sa pagkakadakip sa suspek na si Cruz.  Nahaharap ito ngayon sa kasong robbery with physical injuries.

 

Show comments