Family driver, itinumba sa QC

MANILA, Philippines - Isang family driver ang nasawi makaraang barilin ng hindi nakikilalang salarin sa tapat ng gate ng tinutuluyan nito sa lungsod Quezon kamakalawa.

Dead on arrival sa ospital ang biktimang si  Manuel Utol, 31, stay-in family driver sa K-6th St., Brgy. Kamias.

Sa ulat ni PO2 Alvin Quisumbing, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa tinutuluyan ng biktima, ganap na alas-11:30 ng gabi.

Ayon kay Marilyn Dayupay, kasambahay dito, nasa loob umano siya ng nasabing bahay nang may marinig siya na nangangalampag sa kanilang gate.

Dahil dito, ginising umano niya ang biktima para tingnan kung ano ang nasabing ingay. Agad namang sumunod ang biktima, subalit ilang sandali, nakarinig na lang umano si Dayupay ng putok ng baril galing sa labas ng bahay.

Sa takot, nagpasya ang katulong na magtago, hanggang sa matuklasan ng kanilang amo ang biktima na nakahandusay sa tapat ng kanilang gate. Nagawa pang itakbo ang biktima sa East Avenue Medical Center pero idineklara din itong dead-on-arrival.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing in­sidente. (Ricky T. Tulipat)

 

Show comments