Shabu tiangge sinalakay: 13 katao arestado

MANILA, Philippines - Isang hinihinalang shabu tiangge sa isang barangay sa lungsod Quezon ang sinalakay ng mga operatiba ng District Anti-Illegal Drugs Special Task Group (QCPD-SOTG) at nasamsam ang aabot sa P.5 milyong halaga ng shabu at marijuana, ayon sa ulat kahapon.

Ayon kay Senior Insp. Roberto Razon Jr., hepe ng QCPD-SOTG, bukod sa iligal na droga, 13 katao na sangkot sa operasyon ng iligal na droga ang kanilang inimbitahan para sa pagsisiyasat.

Ang pagsalakay ay ginawa ng tropa sa may Don Pepe St., Brgy. Sto. Domingo sa lungsod ganap na alas-7 ng umaga. Sabi ni Razon, ginawa nila ang operasyon, bunsod ng impormasyong ang na­sabing lugar ay nag-ooperate bilang shabu tiangge at nagi­ging pugad ng batakan at bentahan ng iligal na droga.  

 Sa halos isang linggong pagmamanman, nagpositibo ang impormasyon ng tropa kung kaya pinlano ang nasabing pag-atake.

Sa pagsalakay, sinuyod ng mga operatiba ang mga shanty sa lugar kung saan naabutan ang mga suspek habang humihithit ng iligal na droga at masamsam ang may 100 gramo ng shabu at marijuana na nagkakahalaga ng P500,000 ang nasamsam, gayundin ang drug paraphernalias.

Patuloy ang pagsisiyasat ng DAID-SOTG sa mga inarestong mga suspek.

 

Show comments