MANILA, Philippines - Inaresto ng mga awtoridad ang isang lalaking sinasabing miyembro ng ‘Acetylene Gang’ at umano’y kabilang sa mga lalaking nanloob sa isang pawnshop sa Pasig City noong Oktubre 9.
Sa report na ipinadala kay Eastern Police District (EPD) Director, P/Chief Superintendent Abelardo Villacorta, ni Cipriano Galanida, officer-in-charge ng Pasig City Police, nakilala ang nadakip na suspek na si Rodrigo Yumul Jr., alyas Daday, residente ng Brgy. 67, Pasay City.
Si Yumul ay inaresto ng mga miyembro ng Follow-up Unit ng Pasig City Police sa pangunguna nina SPO4 Raul Casino, SPO1 Ariel Galvelo at PO3 Larry Arevalo, dakong alas-3:00 ng hapon kamakalawa sa Brgy. 69, Pasay City, sa pakikipagkoordinasyon sa Pasay City Police.
Sa interogasyon, pinangalanan naman umano ni Yumul ang isa pang kasamang suspek na nakatakas na si Florentino Manuel Jr., isang barangay tanod sa Brgy. 65, Pasay City.
Positibong nakilala ng isang ’di pinangalanang saksi si Yumul na isa sa mga nakita niyang lumabas mula sa creek sa Brgy. San Miguel nang maganap ang pagnanakaw sa DOS Pawnshop na pagmamay-ari ni Arlene Sunga at matatagpuan sa Market Avenue, Brgy. San Miguel, Pasig City.
Sinasabing aabot sa milyong piso ang halaga ng cash at iba’t ibang gadget at alahas na natangay ng mga suspek mula sa naturang pawnshop.