Piket sa LRT, kontra-taas pasahe

MANILA, Philippines – Nagpiket sa isang istasyon ng Light Rail Transit (LRT-1) ang mga miyembro ng isang militanteng grupo upang tutulan ang bantang pagtataas ng pasahe sa LRT-1 at 2 at sa Metro Rail Transit (MRT-3).

Pasado alas-6:00 ng umaga nang magsimulang magpiket ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa LRT-1 Caloocan Station, na nasabay sa rush hour sanhi upang maabala rin ang mga commuters doon.

Bukod sa pagtutol sa pagtataas ng pasahe, umaapela rin ng umento sa sahod ang mga militante at kinukondena ang anila’y privatization ng LRT.

Plano rin umano ng grupo na magdaos ng piket sa iba pang istasyon ng LRT sa mga susunod na araw upang ipaabot sa pamahalaan ang kanilang mga hinaing.

Noong Biyernes, nagpiket na ang mga militante sa punong tanggapan ng Department of Transportation and Communications (DOTC) at nagkaroon ng maikling komprontasyon sa mga security guard doon.

Kasunod ito ng anunsyo ni DOTC spokesperson Michael Sagcal na posibleng magkaroon ng fare hike para sa MRT at LRT bago mag-Pasko.

Pinabulaanan naman ni Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya ang pahayag ni Sagcal at sinabing walang fare hike sa train systems hanggang sa Nobyembre.

Ang LRT-1 ang nag-uugnay sa Roosevelt sa Quezon City at Baclaran sa southern Metro Manila habang ang LRT-2 naman ang nag-uugnay sa Santolan sa Pasig at C.M. Recto sa Manila.

Samantala, ang MRT-3 naman ang nag-ugnay sa North Avenue­ sa Quezon City at Taft Avenue sa Pasay City via Epifanio delos Santos Avenue. 

Show comments