MANILA, Philippines – Naglabas ng P50,000 reward money si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan para sa sinumang makapagtuturo sa holdaper na nambiktima sa 11-anyos na pandesal boy na naging ‘viral’ ang video sa internet.
Sinabi ni Malapitan na ang pagpapalabas ng reward money ay upang mapabilis ang pag-aresto sa suspek na patuloy na nakakalaya.
Nakakuha naman ang Caloocan City Police ng footage ng CCTV sa suspek na positibong kinilala ng batang biktima ngunit hindi ito namukhaan dahil sa nakatalikod.
Nakilala ang suspek ng batang biktima dahil sa suot nitong asul na sando, shorts at tattoo.
Kahapon, kasabay ng pagbubukas ng selebrasyon ng National Children’s Month, pinagkalooban ni Malapitan ang ina ng bata na si Maricris Villena ng P20,000 “Pangkabuhayan Package” para makapagtayo ng maliit na negosyo.
Una na ring nangako ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na isasama ang pamilya ng biktima sa ‘Conditional Cash Transfer (CCT) program para makatulong sa pag-aaral ng biktima at ng bunso nitong kapatid.