MANILA, Philippines – Tatlong-daan pang pulis ang ipakakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Metro Manila kaugnay ng nalalapit na holiday season.
Ayon kay Senior Supt. Wilben Mayor, Chief ng PNP Public Information Office, ito’y upang bigyang seguridad ang publiko lalo na ang mga shoppers na inaasahang dadagsa sa mga shopping malls at iba pang mga pook pamilihan.
Sinabi ni Mayor na karaniwan nang nagsasamantala ang masasamang elemento tulad ng mga holdaper, snatcher, mandurukot lalo na sa mga matataong lugar kapag nalalapit na ang Kapaskuhan kaya magpapakalat sila ng karagdagang police visibility sa mga komersyal na distrito at iba pang matataong lugar sa Metro Manila.
Bago ito, ayon kay Mayor ay ikinakasa na rin nila ang seguridad para sa nalalapit namang paggunita sa Undas o Araw ng mga Patay.
Binigyang diin ng opisyal na ang hakbang at maagang paghahanda ng PNP ay upang tiyakin na magiging mapayapa at matiwasay ang Undas at maging ang pagsalubong sa Kapaskuhan.
Sinabi ni Mayor na mas mabuti na ang maaga pa lamang ay pinaghahandaan na ang mga mahahalagang okasyon.
Alinsunod sa direktiba ni PNP Chief Director Alan Purisima, ayon kay Mayor ay nakikipag-ugnayan na ang PNP sa mga lokal na pamahalaan, force multipliers at iba pang law enforcement agencies kaugnay ng paghihigpit ng seguridad.
Samantala, magpapakalat din ng dagdag na traffic enforcers na tutulong naman sa puwersa ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pagmamantine ng trapiko sa Metro Manila.