MANILA, Philippines - Asahan na ang masikip na daloy ng trapiko sa ilang lugar sa Quezon City kaugnay nang isasagawang selebrasyon ng lungsod ng kanilang diamond jubilee mula ngayong Sabado.
Bunga nito, pinayuhan ng pamunuan ng lokal na pamahalaan ang mga motorista at mananakay na iwasan ang ilang lugar upang hindi maipit sa masikip na daloy ng trapiko sa buong weekend celebration.
Mula ngayong Sabado ng umaga kabilang sa mga lugar na pagdarausan ng mga street parties, concert at mga fireworks display na pansamantalang isasara sa daloy ng trapiko ay ang Roosevelt Avenue mula Del Monte Avenue hanggang Pitimini St., commercial drive center at N.S. Amoranto St.; Mariveles St. hanggang Labo St., sa District 1.
Isasara rin ang bahagi ng Commonwealth Avenue mula Sandiganbayan patungong Commission on Audit (COA) sa District 2; gayundin ang bahagi ng Anonas road mula Lanzones St. hanggang Pajo St. ng District 3.
Kasama rin ang ilang lugar sa District 4 gaya ng Tomas Morato mula Timog Avenue papuntang Scout Fuentebella at Maginhawa St., mula Makadios hanggang Masaya Sts. Gayundin ang Quirino highway mula Regalado Avenue hanggang Belfast street sa District 5 at Visayas avenue northbound mula Congressional Avenue hanggang Tandang Sora Avenue.
Ang westbound lane naman ng Quezon Avenue ay isasara rin sa ganap na alas- 4:00 ng hapon hanggang alas- 7:00 ng gabi upang bigyang daan ang procession ng Our Lady of La Naval sa Sto. Domingo Church.
Kasama rin sa mga aktibidad ng QC government ang medical mission sa sampung barangay; job fair sa barangay Sangandaan; concert sa Visayas Avenue kanto ng Tandang Sora Avenue; marching bands; misa ng bayan; zumba dance sa Quezon Memorial Circle at Gawad Parangal sa Araneta Coliseum.
Bunga nito, inatasan ni QC Mayor Herbert Bautista ang Department of Public Order and Safety na tumulong sa MMDA at QC police traffic district sa pagmamando ng daloy ng trapiko sa mga nabanggit na lugar.