MANILA, Philippines – Naaresto na ng mga awtoridad ang pangunahing suspect sa pagpatay sa ina ng aktres na si Cherry Pie Picache sa isinagawang operasyon sa Sta. Rosa City, Laguna kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni QCPD director Chief Supt. Richard Albano ang nasakoteng suspect na si Michael Flores, 29.
Si Flores ang natukoy na brutal na pumaslang sa biktimang si Zenaida Sison, 75, nanay ni Cherry Pie habang nag-iisa ang matanda sa kanilang tahanan sa Quezon City noong Setyembre 19 sa kasagsagan ng hagupit ng bagyong Mario.
Bandang alas-11:30 ng gabi nitong Martes, ayon sa pulisya nang masakote ng pinagsanib na elemento ng Sta. Rosa City Police, Quezon City Police District at National Bureau of Investigation (NBI) ang suspect sa Garden Villa 3 Subdivision, Brgy. Malusak ng lungsod na ito.
Ayon naman kay Supt. Pergentino Malabed Jr., hepe ng Sta. Rosa City police na bago ito ay nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba na sa nasabing lugar nagpapalamig o nagtatago ang suspect na natiyempuhan naman habang nagsisigarilyo sa nasabing lugar nang dakpin ng arresting team.
Sinabi ng opisyal na si Flores ay residente ng Brgy. San Vicente, San Pedro, Laguna at nagtago sa lalawigan matapos ang krimen.
Nabatid na si Flores ay tagalinis sa tahanan ng biktimang si Sison kung saan nakuha sa crime scene ng mga operatiba ng QCPD ang duguang damit nito ilang oras matapos madiskubre ang krimen.
Bukod dito ay nakunan rin sa CCTV footages sa lugar ang suspect.
Samantalang lumilitaw naman na pagnanakaw ang motibo ng krimen dahilan nawawala ang P500,000 cash ng matanda at mamahaling mga alahas nito.
Pinaniniwalaan namang hindi nag-iisa ang suspect ng isagawa ang pamamaslang sa walang kalaban-labang matanda habang patuloy pa ang masusing pagsisiyasat ng mga awtoridad sa kaso.