MANILA, Philippines – Isang lotto outlet ang hinoldap ng riding-in-tandem criminals kung saan natangay ang tinatayang P80 libong kinita nito sa Brgy. Pinyahan, lungsod Quezon kahapon.
Sa ulat ni PO3 Leila Agati, ng QC Police Station 10, ang hinoldap na outlet ay matatagpuan sa Block 5, NIA Road, ng nasabing barangay, ganap na alas -7:40 ng umaga.
Sabi ng kaherang si Christine Ronquillo, 38, kasalukuyan siyang nagbibilang ng perang kinita nang marinig niya ang pagkatok sa pinto ng mga suspect.
Sa pag-aakalang ang kanyang amo ang kumakatok ay nagpasya siyang buksan ito, pero nagulat na lang ng biglang tinutukan siya ng baril ng isa sa mga suspek na nakasuot ng itim na helmet at itim na jacket saka agad na pumasok sa loob.
Dito ay pinalo umano ng suspek sa likod ang kahera, bago iginapos ang mga kamay ng kable ng kuryente at busalan sa bibig.
Nang makuha ang pakay na pera ay mabilis na umalis ang suspek at sumakay sa naghihintay na kasamahang may dalang motorsiklo at nagsipagtakas.
Nadiskubre lamang ang insidente nang dumating sa outlet ang may-ari nito at makitang nakagapos ang kahera.
Sinasabing ang natangay na pera ay kita ng outlet sa nakalipas na ilang araw.
Nabatid na walang closed circuit television (CCTV) camera sa lugar na maaring makuhanan ng pagkakakilanlan sa mga suspek.