MANILA, Philippines – Kapwa nasawi ang isang barangay kagawad at ang driver nito makaraang pagbabarilin ng apat na hinihinalang mga upahang hitman sa tapat mismo ng barangay hall, kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan Police chief, Senior Supt. Ariel Arcinas ang mga nasawi na sina Kagawad Conrado Cruz, 68, dati ring Chairman ng Brgy. 12, at driver nitong si Jonathan Gonzales, 40.
Sa inisyal na ulat, kadarating lamang ng mga biktima sa barangay hall sa may Bangayngay Street dakong alas-8:45 ng umaga upang dumalo sa isang pagpupulong. Hindi pa nakakababa si Cruz sa kanyang Isuzu Crosswind (PQW-674) nang lapitan ng mga salarin at agad na paputukan ng malapitan sa ulo.
Tiniyak pa ng mga gunman na tuluyang masasawi ang biktima nang tadtarin pa ng bala kahit nakahandusay na. Isa naman sa mga salarin ang tumarget sa driver na si Gonzales na agad ring nasawi.
Nakisabay naman ang mga suspect sa takbuhan ng mga takot na residente sa kanilang pagtakas. Hinihinala na gumamit ng get-away vehicle ang mga salarin kaya mabilis na naglaho ang mga ito.
Nakuha naman ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang higit sa 20 basyo ng kalibre .45 at kalibre .40 mga baril. Nagtamo si Cruz ng tama ng bala sa ulo at mukha habang puro sa katawan naman ang tama ng bala sa biktimang si Gonzales.
Sa rekord, higit isang dekadang nagsilbi bilang chairman ng Brgy. 12 si Cruz at tumakbo na lamang bilang kagawad nitong 2013 dahil sa tapos na ang kanyang termino.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng pamamaslang. Kabilang sa inaalam kung may kaugnayan ang krimen sa mga naganap na pamamaslang noong 2013 na target ang mga opisyal ng barangay sa lungsod.