Kelot hinoldap na, sinaksak pa sa mata

MANILA, Philippines - Posibleng mabulag ang kaliwang mata ng isang lalaki makaraang saksakin ng icepick ng isa sa tatlong hol­da­per na nambiktima sa kanya sa loob ng isang pampasaherong jeepney, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Inoobserbahan nga­­yon sa Pagamutan Lung­sod ng Malabon dahil sa tinamong saksak sa mata at matin­ding bugbog sa ka­tawan ang bik­timang si John Efren Angel, 21, ng Kaingin St., Brgy. Tinajeros, ng naturang lungsod.

Naaresto naman sa ikinasang follow-up ope­ration ang mga suspek na sina Angelo Caparas, 26; Rolly Ramos, 30; at Gelo Kwan, 21, pawang mga residente ng M.H. Del Pilar, Brgy. Maysilo, Malabon.

Sa ulat ng pulisya, ka­­sakay ng biktima ang mga suspek sa isang pam­pasaherong jeep dakong alas-9:30 ng gabi nang bigla na lang pagtulungang gulpihin ng mga suspek si Angel.  Nagbunot pa ng icepick si Ramos at sinaksak sa mata ang biktima.

Kinulimbat ng mga suspek ang pitaka, relo at dalawang cellular phone ng biktima saka mabilis na tumakas.

Sinaklolohan naman ng mga otoridad ang biktima na isinugod sa pagamutan at nagkasa ng operasyon sanhi ng pagkakadakip ng mga suspek.

Nahaharap ngayon ang tatlo sa mga kasong robbery hold-up at frustrated murder.

 

Show comments