Dinukot na beybi, nabawi

Karga na ni Diana Santiago ang kanyang nawalang beybi matapos mabawi ito sa kumuhang suspect. (Kuha ni EDD GUMBAN)

MANILA, Philippines - Nabawi ang isang 3-week old na beybi mula sa isang babae na tuma­ngay dito nang maka­tulog ang ina nito habang nagtitinda sa Baywalk sa Roxas Blvd., Ermita, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Unang nagpasaklolo ang ginang na si Diana Santiago,  sidewalk vendor, re­sidente ng Sta. Ana, Maynila sa mga tauhan ni Supt. Romeo Macapaz, ng Manila Police District-Station 5 kaugnay sa pagkawala ng kanyang beybi na katabi niya lamang sa pagtulog sa Baywalk, habang nagtitinda, dakong alas-3:00 ng ma­daling araw.

Sa ulat, nang mag-ikot ang mga tauhan ng Lawton Police Community Precinct (PCP) ay agad namang na­mataan ang suspek na kinilalang si Melanie Inocencio, 33, residente ng Caloocan City, na kalung-kalong ang sanggol at pagala-gala kaya agad nilang inalam kung ito ang nawawalang anak ni Diana. 

Nang imbitahan sa pre­sinto, umamin ang suspek na hindi niya anak ang sanggol at nagdahilan na napulot lamang niya. Nasasabik lamang umano siya sa beybi dahil ang kaniyang anak ay nasa lola nito.

Hindi naman lusot ang  depensa ng suspek dahil sasampahan siya ng rek­lamong abduction.

Ayon sa ina ng bata, araw-araw ay puwesto na nila ang lugar sa pagtitinda at doon na rin sila natu­tulog, kasama ang mister na si Raymundo, kaya hindi inakalang mawawala ang anak nang ilapag ito.

Ikinatuwa ng mag-asawa na nabalik ang kanilang anak, habang ang suspek ay kalaboso na sa nasabing presinto habang inihahanda ang kaukulang kaso.

Aalamin din kung miyembro ng sindikato ang suspek na nangunguha ng bata upang ibenta.

 

Show comments