Iskul binulabog ng ‘bomba’

MANILA, Philippines - Nabulabog ang mga estudyante ng Claret School sa lungsod Quezon matapos makatanggap ng bomb threat kahapon.

Ayon kay Senior Inspector Maricar Taqueban, hepe ng public information office ng Quezon City Police District, alas-9:42 ng umaga nang bulabugin ng bomb threat ang naturang paaralan, makaraang makatanggap ng text messages buhat sa isang sender na may numerong 09063372752 ang mismong principal nito na si Paolo Joseph Blando.

Ang nasabing paaralan ay matatagpuan sa may Ma­hinhin St., UP Village Diliman sa lungsod.

Sabi ng pulisya, naka­saad sa text messages ang katagang “may bombang naka­tago sa loob ng inyong paaralan,  malaking pagsabog ang mangyayari, paki abangan ang mga estudyante” dahilan upang agad na palabasin ang mga estudyante at tumawag ng awtoridad.

Agad namang rumisponde ang tropa ng Special Weapon and Tactics-Explosive Ordnance units at nagsagawa ng panelling sa lugar kung saan sinuyod ang paligid ng paaralan.

Dahil dito,  nagpasya naman ang paaralan na pauwiin na lamang ang mga estud­yante at balikan kinabukasan ang mga naiwan nilang mga gamit sa loob ng school. 

Makalipas ang alas-11:20 ng umaga, lumabas sa pagsisiyasat ng EOD unit na negatibo ito sa bomba.

Hinala ng pulisya, po­sibleng kagagawan lamang ito ng taong walang magawa o gustong mag-trip at napagdiskitahan ang nasabing paaralan.

 

Show comments