MANILA, Philippines – Isang Information Technology (IT) manager ang tinadtad ng saksak sa katawan at natagpuang naliligo sa sariling dugo sa loob ng kanyang inuupahang condominium unit sa Mandaluyong City, kamakalawa.
Ang biktima ay nakilalang si Jose Jonald Jobeth Ramos, 42, manager ng International Business Machines (IBM) sa East Wood at residente sa Tivoli Garden Residence, Coronado St., Brgy. Hulo, Mandaluyong City.
Ayon kay Insp. Antonio Galauran, hepe ng Criminal Investigation Unit (CIU) ng Mandaluyong City Police, dakong alas-9:30 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang condominium unit ng kanyang kaibigang si Vivien dela Llana.
Nabatid na ilang ulit na umanong tinatawagan ni Llana ang biktima ngunit hindi ito sumasagot, sanhi upang magpasya na lamang siyang puntahan ito sa tirahan nito.
Pagdating sa bahay ay napansin umano ni Llana ang mga nakakalat na dugo kaya’t kinabahan siya at kaagad na humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Dito na natagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng bahay na gulung-gulo ang mga gamit at mistulang pinagnakawan pa dahil nawawala ang koleksyon nito na mga relo, gayundin ang kanyang cellphone.
Naniniwala naman si Galauran na posibleng kakilala ng biktima ang salarin at posibleng nagkainuman pa ang mga ito bago ang krimen dahil sa nakakalat na mga basyo ng alak at pulutan sa loob ng condo unit.
Inaasahan namang matutukoy kaagad ng mga awtoridad ang identity ng mga salarin dahil sa nakuha nilang footage ng closed circuit television kung saan nakuhanan ang dalawang lalaking umakyat at pumunta sa condo unit ng biktima.