MANILA, Philippines – Dalawang oil tanker ang nadamay sa sunog na naganap sa residential houses sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng umaga.
Mabilis naman ang naging responde ng mga bumbero kung kaya’t agad naapula ang apoy sa Old Panaderos sa Punta Sta.Ana na nagsimula ng dakong alas-6:20 ng umaga.
Sa ulat ni SFO1 Raul Angeles, ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection, nasa ikalawang alarma na ang sunog na naideklarang under control ng bandang 6:58 ng umaga. Idineklarang fireout ang sunog dakong alas-7:14 ng umaga.
Ayon sa BFP, nagdulot ng tensiyon sa mga residente ang nangyaring sunog sa pangambang magkaroon ng malaking sunog at pagsabog dahil sa malapit lang sa lugar ng mga oil depot.
Mahigit 10 truck ng bumbero kabilang ang mga fire volunteer groups ang sunud-sunod na dumating para apulahin ang sunog.
Hindi naman nadamay ang kalapit na oil depot na Petroleum Technology and Research Center .
Patuloy naman inaalam ng mga Arson investigator ang sanhi ng sunog at inaalam pa ang halaga ng mga napinsalang ari-arian.