MANILA, Philippines - Napatay ang mag-lover matapos ratratin ng di-kilalang gunman habang natutulog sa kanilng bahay sa Sampaloc, Maynila kahapon ng madaling araw.
Kinilala ng pulisya ang magka-live-in na sina Ronualdo Batuto, 35, secretary sa isang pribadong kompanya; at Niña Dela Cruz y Ramos, 31, kapwa nakatira sa #503 Geronimo Street sa nasabing lugar.
Sa pagsusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operations (SOCO), si Batuto ay nagtamo ng mga tama ng bala sa dibdib, kaliwang hita at kaliwang balikat habang si Dela Cruz naman ay nagtamo ng mga tama ng bala sa dibdib, kanang hita.
Nakaligtas naman ang anak ng dalawa na si Aaron kung saan lingid sa kanya ay patay na ang kanyang mga magulang dahil tulog ito nang maganap ang krimen.
Sa ulat ni PO2 Dennis Turla, ang dalawa ay dinatnan na lamang ng mga tauhan ng MPD-station 4 na nakahandusay malapit sa pintuan ng kanilang kuwarto.
Wala namang nakitang winasak ang pintuan ng bahay kung saan pinaniniwalaang pinapasok pa ng mag-asawa ang killer sa kanilang bahay saka naganap ang pamamaril.
Sa pahayag ng ilang testigo, isang lalaki na nakasuot bull cap, itim na jacket at naka-tsinelas ang namataang tumatakbo palayo ng bahay ng dalawa saka sumakay sa puting kotse na hindi naman naplakahan.
Narekober sa crime scene ang 3-cellphone at ilang identification card (ID) ng mga biktima habang patuloy naman ang imbestigasyon.