MANILA, Philippines - Arestado ang dalawa sa tatlong lalaking holdaper ng pampasaherong dyip nang rumesponde ang mga tauhan ng MPD station 5, sa komosyon at paghingi ng saklolo ng mga pasahero, sa panulukan ng P. Faura at Mabini sts., sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sina Romulo Quinta at Dan Bello ay nadakip sa pangunguna ni SPO1 Ariel Cagata habang nakatakas naman ang isa pa.
Nagpapatrulya ang team ni Cagata nang marinig nila ang paghingi ng saklolo ng isang matandang babae kung saan nakita rin ang komosyon sa loob ng dyip kaya agad silang umaksiyon at hinabol ang tumatakas na mga suspek na may bitbit pang mga gamit ng pasahero na kinulimbat. Narekober sa dalawang nadakip ang isang .38 kalibreng pistola at isang balisong.
Tatlo umano ang suspek na kasasakay pa lamang na agad nagdeklara ng holdap ang dalawa ay nakaharang naman sa daanan upang walang makababang pasahero.
Nang malimas na ang mga gamit ng pasahero ay mabilis na bumaba ang tatlo at sa puntong iyon ay nag-ingay na ang mga pasahero na nakatawag ng pansin sa mga pulis sa lugar.