Tauhan ng Bureau of Fire, huli sa entraptment ng NBI

MANILA, Philippines - Laglag sa kamay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) matapos ma­ngikil sa isang negosyante para sa ipagkakaloob na Fire Safety Inspection Certi­ficate sa ka­niyang es­ta­blisimento sa Tondo, Maynila, kahapon ng hapon.

Kinilala ni NBI Director Virgilio Mendez ang dinakip na si SFO1 Carlos Francisco, nakatalaga sa San Lazaro BFP station, sa Quricada St., Sta Cruz, Maynila.

Sa inisyal na ulat, idinulog ng complainant na si Norberto Mugas, Corporate Secretary ng Carne Fresca Incorporated sa NBI ang reklamo matapos matuklasang hindi legal ang pro­seso at kinikikilan siya ng suspek para sa fire safety equipment  na requirements umano para makakuha ng Fire Safety Inspection Certificate, na gagamitin ding requirement sa inaaplayang business permit para sa  bubuksang  negosyo sa Tondo.

Ang suspek umano ang katransaksiyon sa proseso ng nasabing certificate su­balit inirekomenda umano nito na kailangan silang bumili ng fire safety equipments   tulad ng fire extinguisher.

Nang bumili ang negos­yante ng fire safety equipments sa ibang tindahan at hindi sumunod sa inirekomendang tindahan ni SFO1 Francisco ay kinuwestiyon umano sila kung  bakit sa iba pa bumili gayung may itinuro siyang tindahan ay magkakaroon umano ito ng komis­yon na P10-libo.

Hindi na nakipagtalo ang complainant at sa halip, na­ngako na lamang kay SFO1 Francisco na ibibigay na lamang niya ang nasabing halaga, na bumaba na sa P4-libo.

Lingid sa kaalaman ng bumbero ay nagtungo sa NBI ang negosyante  at doon pinlano ang entrapment, at sa aktong tinanggap ni SFO1 Francisco ang marked money ay inaresto siya ng mga ahente ng NBI.

Show comments