Mga pekeng de lata, kinumpiska

MANILA, Philippines - Kinumpiska ng Anti-Fraud and Commercial Crimes Division ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang daan-daang lata ng umano’y pekeng La Filipina luncheon meat sa magkahiwalay na raid sa isang mini-mart sa Mandaluyong at Marikina City.

Sa bisa ng search warrant na pinalabas ni Judge Rainelda Estacio-Montessa ng Manila RTC Branch 46, sinalakay ng CIDG ang Easymart Superstore na matatagpuan sa New Panaderos St., Kalentong, Mandaluyong City at Sumulong Highway, Marikina City. Nakumpiska mula sa mga ito ang mahigit 500 lata ng luncheon meat na umano’y may pekeng food labels.

Una rito, naghain ng reklamo ang Philippine Leading Infinite Logistics, Inc. (PLILI) – distributor ng kilalang “La Filipina Luncheon Meat” – laban sa establisimento dahil sa umano’y pagbebenta nito ng luncheon meat na nagtataglay ng kahalintulad na food label ng La Filipina.

Ayon kay Atty. Giancarlo M. Puyo, abogado ng PLILI, kopyang-kopya ang kabuuang itsura, letra, kulay at maging larawan ng orihinal at rehistradong La Filipina Luncheon Meat ang tinitindang “Supreme Luncheon Meat”.

Ayon kay Atty. Puyo ang mga tumatangkilik sa La Filipina Luncheon Meat na maging mapanuri, tingnang mabuti ang label at siguruhing “La Filipina” at hindi “Supreme” ang tatak sa lata upang makatiyak sa ligtas at masarap na produkto.   

Aniya, ang naturang pangongopya ng food label ay isang malinaw na pandaraya at panloloko sa mga mamimili. Kasabay nito, nagbabala si Puyo na ‘di sila mag-aatubiling kasuhan ang iba pang nagtitinda ng pekeng produkto ng La Filipina.

Show comments