MANILA, Philippines - Ipinakulong ng isang 50-anyos na misis ang kanyang lasenggong mister nang ispreyan siya ng tear gas, maging ang kanilang 11-anyos na anak, dahil sa kalasingan, sa Port Area, Manila, kamakalawa ng hapon.
Nasa kustodiya ng Manila Police District-Women and Children’s Protection Unit ang suspek na kinilalang si Saturnino Pineda, 49, residente ng Block 15, Baseco Compound, Port Area, Manila.
Ayon sa reklamo ni Nelia Osuya, dakong alas-5:00 kamakalawa ng hapon nang dumating umanong lasing ang suspek at habang nasa tabi sila ng pintuan ng bahay ng kanyang 11-anyos na anak na babae.
Nasa loob na umano ng kanilang barung-barong ang suspek kaya hindi nila pinansin dahil lasing subalit nagulat sila nang makita na lamang na may hawak itong tear gas at inispray sa kanilang mukha.
Sobrang hapdi sa mata ang naramdaman ng misis at ng anak nito dahil tumama sa kanilang mga mata.
Matapos maghilamos ay agad na nagsumbong ang mag-ina sa kanilang barangay official at ipinaaresto ang mister. Giit pa ng ginang, hindi na umano nag-aabot ng pera ang mister ay madalas pa silang sinasaktan lalo na kung lasing.
Paliwanag ng suspek, ang tear gas umano ay napulot lamang niya at nang nasa bahay na siya ay sinubukan lamang niyang pindutin kung may laman pa itong kemikal.