MANILA, Philippines - Isang lumang MK2 fragmentation grenade ang natagpuan sa garahe ng bahay sa lungsod Quezon ng isang konsehal buhat sa lalawigan ng Daet, kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District Explosives and Ordnance Division (QCPD-EOD), ang granada ay natagpuan sa garahe ng bahay ni Councilor Joseph Christopher Panotes, ng Daet Camarines Norte na matatagpuan sa Lagro Subdivision, Quezon City.
Base sa ulat ng QCPD-EOD, bago ito, alas- 5:45 ng umaga naglalakad si Panotes at kanyang asawang si Marissa sa kanilang garahe nang mapuna nila ang granada sa pagitan ng dalawang sasakyan nilang Honda CRV. Agad na humingi ng tulong ang mag-asawa sa QCPD Station 5 na siyang tumawag ng EOD para sa technical assistance.
Sa pagresponde ng pulisya ay agad na nagsagawa ng render safe procedure (RSP) sa nasabing granada na nabatid na isang MK2 fragmentation hand granade.
Sinasabing wala nang pin ang granada at masuwerteng hindi sumabog bunga na rin anya ng kalumaan.
Hinala ng awtoridad na inihagis ang granada sa lugar sa pagitan ng alas- 12 ng hatinggabi at ala-1 ng madaling araw kung saan wala dito ang nasabing konsehal. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.