MRT, walang tigil-operasyon

MANILA, Philippines -  Tuloy pa rin ang regular na operasyon ng Metro Rail Transit (MRT-3) sa kabila ng sunud-sunod na aberyang dinanas nito sa mga nakalipas na araw, gayundin ang auditing­ na isinasagawa ng mga eks­perto mula sa Hong Kong.

Ayon kay Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya, walang katotohanan ang mga ulat na ititigil ng MRT-3 ang operasyon nito tuwing weekend.

Sinabi ni Abaya na sa nga­yon ay maganda ang per­formance ng mga tren.

Bumuo aniya ang MRT at Light Rail Transit (LRT) ng sariling team upang siyang mag-monitor sa trabaho ng kasalukuyang maintenance provider sakaling mag-take over ang pamahalaan.

Si dating director for ope­rations Renato San Jose aniya ang itinalagang officer-in-charge (OIC) ng MRT dahil hindi kaya ng unang itinalagang OIC na si LRT admi­nistrator Honorito Chaneca na pamahalaan ang tatlong linya ng tren. Gayunman, tumutulong pa rin aniya si Chaneca partikular na sa pag-upgrade at capacity expansion ng MRT.

Inaasahan namang mata­tapos ang isinasagawang audit­ ng mga eksperto mula sa MTR ng Hong Kong, na sinimulan noong Agosto sa loob ng 52-araw. Sinimulan na rin aniya ng DOTC ang bidding process para sa three-year concession agreement ng linya.

 

Show comments