MANILA, Philippines – Nananatiling pinakamababa ang kaso ng malnutrition sa Makati City kumpara sa mga lokalidad sa Metro Manila dahilan para patuloy itong pagkalooban ng National Nutrition Council ang Nutrition Honor Award.
Ipinaliwanag ni Makati Mayor Jejomar Erwin S. Binay na tinatamo ng lunsod ang naturang mga tagumpay dahil sa kinikilalang health and nutrition programs nito na ipinapatupad sa pamamagitan ng Makati Health Department at ng Nutrition Office nito kahit mula pa noong panahon ng panunungkulan ng kanyang ama na dating mayor at ngayon ay Vice Pres. Jejomar C. Binay.
“Napababa namin ang malnutrition prevalence rate sa nagdaang mga taon dahil sa epektibong health at nutrition program namin at sa aming mga inisyatiba na maitaguyod ang mga kaugnay na simulain. Kabilang dito ang matagumpay na community-based breastfeeding advocacy at pagtatatag ng aming human milk bank,” sabi ng alkalde.
Batay sa huling report ng MHD, ang malnutrition prevalence rate sa Makati City ay bumaba pa sa 0.64 porsiyento ngayong taon kumpara sa 0.73 porsiyento noong 2013. Noong 1990, nasa 7.7 porsiyento ang malnutrition prevalence ng lunsod na sinukat sa mga batang may edad mula zero hanggang 71 buwan.
Sa 57,693 bata sa naturang age bracket na sinaklaw ng huling Operation Timbang ng Nutrition Office, 372 lamang ang underweight. Tulad sa nagdaang mga taon, sinaklaw ng aktibidad ang 25 barangay. Hindi pa kasama ang dalawang pinagtatalunang barangay (Northside at Southside) at anim na exclusive villages sa lunsod.
Sa kabilang dako, masusing sinusubaybayan ng pamahalaang lunsod ang overweight rate ng mga preschoolers dahil tumaas ito sa 3.33 porsiyento sa taong ito mula sa 2.75 porsiyento ng 2013.
Idiniin ni chief nutrition officer Alma Gammad na ang mga matatabang batang ito ay maaaring magkaroon ng hypertension, diabetes at iba pang tinatawag na lifestyle diseases sa mura nilang edad.
Para mapababa ang overweight rate, ang nutrition office ay nagbibigay ng mga serbisyong tulad ng behavioral modification of diet, physical activities, promotion of non-sugar drinks at healthy lifestyle.
Noong nakaraang taon, binuksan ng pamahalaang-lunsod ang unang lokal na human milk bank sa bansa na matatagpuan sa Bangkal Health Center.
Nakikinabang sa libu-libong millilitres ng breastmilk na nakolekta at na-pasteurized sa pasilidad ang mga sanggol sa Ospital ng Makati, Makati Medical Center at iba pang pribadong ospital.