MANILA, Philippines - Arestado ang isang illegal recruiter na nakapanloko ng may labing-tatlong katao na pinangakuang ipadadala sa ibang bansa sa isinagawang entrapment operation, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Nakakulong ngayon sa Pasay City Police detention cell ang suspek na si Jovel Palma, 44, tubong Itlugan, Rosario Batangas. Kinilala naman ang isa sa 13 biktima na si Mercy Francisco, 23, ng Brgy. Santo Niño, Lipa City.
Ayon kay Chief Inspector Joey Goforth, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIMB), alas-10:00 ng umaga nang magsagawa ng entrapment operation ang kanyang mga tauhan sa EDSA Avenue-Rotonda ng naturang lungsod, na nagresulta nang pagkakadakip sa suspek.
Batay sa pahayag ni Francisco, hiningan siya ng halagang P25,000 ng suspek upang ayusin ang kanyang mga papeles patungo sa Dubai para makapagtrabaho doon.
Noong nakaraang linggo ay nagkita sila ng suspek at nagbigay siya ng paunang bayad na halagang P12,000.00.
Makalipas ang isang buwan ay muli siyang tinawagan ng suspek at hinihingi na sa kanya ang kulang aniya niyang pera para maayos na ang mga dokumento nito at tuluyan na itong makaalis.
Subalit sa takbo nang pakikipagtransaksiyon ng biktima sa suspek tila wala naman aniyang nangyayari sa pangako nito at parati lamang siyang pinapabukas-bukas nito.
Dahilan upang magsumbong na sa mga pulis ang biktima kung saan inihanda ang entrapment operation laban sa suspek na naging dahilan nang pagkakaaresto nito.
Nabatid na hindi lamang si Francisco ang naging biktima, kung saan may 12 pang katao ang naloko nito.