MANILA, Philippines - Nakalaya na si dating nuisance presidential candidate Atty. Ely Pamatong makaraan ang dalawang araw na pagkakapiit matapos maaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagtuntong nito sa Ninoy Aquino International Airport Terminal noong nakalipas na Miyerkules, mula sa Cagayan de Oro City.
Ito ang kinumpirma kahapon ni NBI Director Virgilio Mendez, batay aniya sa ipinarating na ulat sa kanya ng Anti-Organized Crime Division (AOCD) ng NBI makaraang magpalabas na rin ng release order ang Quezon City Regional Trial Court matapos maglagak ng piyansa.
Nabatid na mayroon nang order of release ang hukuman sa Quezon City para sa paglaya ni Pamatong.
Bago magtanghali kahapon ay nakaalis na ng AOCD si Pamatong at bago ito tuluyang lumisan ay binisita niya sa NBI detention facility ang tatlong naaresto sa NAIA Terminal 3 dahil sa mga nadiskubreng pampasabog sa loob ng isang sasakyan kamakailan.
Una nang inamin ni Pamatong na ang suspek na si Grandeur Guerrero ay kasamahan niya sa grupong USAFFE na tutol sa agresibong pag-aangkin ng China sa West Philippine Sea.
Si Pamatong naman ay dinakip noong Miyerkules sa mga warrant of arrest kaugnay sa mga nakabinbing kaso tulad ng maliscious mischief dahil sa pagpapakalat ng spikes sa EDSA na nakaperwisyo sa mga sasakyan at motorista at kasong may kaugnayan sa mga baril na narekober sa kanyang bahay sa Laguna.