Taguig City ginawaran ng ‘Green Banner Award’

MANILA, Philippines -  Dahil sa mahusay na paghahatid ng mga serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan at sa pagpapababa ng malnutrition prevalence rate ngayong taon ng mas mababa sa isang porsiyento ay binigyan ng parangal ang Taguig City Government. 

Ginawaran ng ‘Green Banner award ‘ang lungsod ng Taguig ng National Nutrition Council-National Capital Region (NNC-NCR), sa 2014 Regional Nutrition Awarding Ceremony, kamakailan nang makapagtala ito ng 0.88% sa 2014 kum­para sa 1.38% noong nakaraang taon.

Ang ‘Green Banner award’ ay ang pinakamataas na karangalang iginagawad sa lokal na pamahalaan dahil sa mahusay na pagsasagawa at pamamahala ng mga programang pang nutrisyon. Pinuri ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang City Nutrition Office at hinamon pa itong magsagawa ng mas makabuluhang mga proyekto upang labanan ang malnutrisyon sa Taguig.

“Ang parangal na ito ay hindi lamang patunay sa ating layunin na ipaabot ang pinakamahusay na serbisyong pangkalusugan sa ating mga kababayan, bagkus ito rin ay nag-uudyok sa atin na mas pagbutihin ang ating mga nutrition action plan na magbibigay ng mas mala­king epekto sa pagpapabuti ng buhay ng mga pamilya dito sa ating lungsod,” sabi ni Mayor Lani.

Ayon kay Julie Bernabe, pinuno ng City Nutrition Office, ang pagbaba ng malnu­trition rate ay dahil sa iba’t-ibang progra­mang isinagawa upang maabot ang zero malnutrition rate sa lungsod.

Bukod sa ‘Green Banner Award’, pinarangalan din ang Taguig bilang ‘Best in Resource Generation and Mobilization for Nutrition Programs’ at ‘Most Innovative in Nutrition Program Implementation’.

 

Show comments